Search Result

Friday, October 9, 2009

125 tao nasawi sa pagbaha, pagguho ng lupa sa N. Luzon - Pinoy Abroad - GMANews.TV - Official Website of GMA News and Public Affairs - Latest Philippine News

125 tao nasawi sa pagbaha, pagguho ng lupa sa N. Luzon - Pinoy Abroad - GMANews.TV - Official Website of GMA News and Public Affairs - Latest Philippine News

DAGUPAN, Pangasinan – Tinatayang umabot sa 125 tao ang nasawi sa mga pagguho ng lupa at pagbaha sa ilang lalawigan sa Hilagang Luzon na hinagupit ng bagyong “Pepeng."

Si “Pepeng" ang bagyo na itinuturing pinakamatagal na nanatili sa teritoryo ng Pilipinas na umabot ng isang linggo at tatlong ulit tumama sa kalupaan simula noong Oktubre 3.

Hinagupit ni"Pepeng" ang Northern Luzon sa panahon na nagsisimula pa lamang bumangon ang Metro Manila at karatig lalawigan na binugbog naman sa baha ng bagyong “Ondoy."

Mahigit 300 tao ang nasawi sa bagyong si “Ondoy," na nagpalubog din sa maraming bayan sa Rizal, Laguna, Cavite at Bulacan.

Matinding ulan

Unang inasahan na magiging super typhoon si “Pepeng" dahil sa lakas ng hangin nito na umabot sa 175 kilometer per hour. Ngunit bukod sa hangin, nagbuhos din ng malakas na ulan ang bagyo na nagdulot ng panganib sa mga dam kaya kinailangang magpakawala ng maraming tubig.

Libu-libong residente sa ibat-ibang bayan ng Pangasinan ang napilitang lumikas sa kanilang bahay matapos tumaas ang tubig sa kanilang lugar dulot ng pag-ulan at pinakawalang tubig sa dam.

Sinabi ni Pangasinan Vice Gov. Marlyn Primicias na nakatatanggap sila ng mga text message na humihingi ng tulong para mailikas

"Eastern Pangasinan has become one big river," pahayag ng opisyal.

Dahil sa baha, hindi na rin umano madaanan ang mga kalsada na patungo at palabas ng Metro Manila, at hindi na rin mapuntahan ang buong Ilocos region, ayon kay Gov. Amado Espino Jr.

"There was really heavy rain, so water had to be released from the dam, otherwise it would have been more dangerous," paliwanag ni Nathaniel Cruz ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Administration.

Ang mga nailikas, problemado naman sa paraan ng pagluluto kahit may nakukuhang mga relief goods. Wala ring kuryente sa mga evacuation center at kailangan din ng malinis na tubig na maiinom.

"Kalangan din dito tubig kasi walang mainom (ang) mga bata. meron kagabi pero isang galon lang," ayon kay Sally Berot, 22, ginang ng tatlong maliliit na bata.

Nanawagan din si Villasis Mayor Nonato Abrenica ng pagkain, tubig na maiinom at gamot para sa mga nanunuluyan sa mga evacuation center.

Dahil sa matinding pagbaha sa Pangasinan, nanawagan ang National Disaster Coordinating Council (NDCC) sa US Embassy na magpadala ng tropa ng mga US soldiers at mga gamit para tumulong sa pagsagip ng mga tao.

Dalawang US Navy ships ang humimpil Lingayen Gulf sa Pangasinan upang magamit ang kanilang helicopter at rubber boats sa rescue mission, ayon kay US Marine Capt. Jorge Escatell.

Pagguho ng lupa

Kung baha ang problema ng Pangasinan, pagguho naman ng lupa ang kalaban ng mga residente sa mataas na lugar ng Cordillera at Cagayan Valley region.

Naputol ang daanan patungong Cagayan Valley nang tabunan ng gumuhong lupa mula sa bundok ang Maharlika Highway sa Caraballo Mountains.

Sinabi ni Chief Supt. Roberto Damian, regional police director ng Cagayan Valley, malaking bahagi ng dalawang linyang highway na malapit sa Putlan Bridge patungong Dalton Pass sa bahagi ng Carranglan, Nueva Ecija ang nawasak.

Tinataya naman ni Central Luzon police regional director Leonilo dela Cruz na tatagal ng tatlong araw ang paglilinis ng landslide sa Carranglan.

Hindi rin madaanan ang mga kalyeng paakyat sa Baguio City sa Cordillera dahil sa tinatayang 100 insidente ng landslides sa mga high way.

Ayon kay Cordillera police regional director Senior Superintendent Fidel Posadas, sarado sa trapiko ang mga pangunahing kalye ng Kennon Road, Naguilian Road at Marcos Highway.

“The rest of the Cordilleras - Mountain Provinces, Ifugao, Abra, Apayao and Kalinga - were also isolated from other provinces," ayon kay Posadas.

Nalibing sa putik

Sa 125 tao na nasawi sa bagyong “Pepeng," 118 sa kanila ay galing sa Cordillera Administrative Region, batay sa impormasyon ni regional police director Chief Superintendent Orlando PestaƱo.

Sinabi ni Pestano na 59 tao pa ang nawawala at 55 ang nasaktan.

Ayon kay Senior Superintendent Loreto Espineli, Benguet provincial police chief, pinakamatinding tinamaan ng mga landslide ang bayan ang La Trinidad kung saan 41 tao ang nasawi mula sa apat na barangay.

Sa katabing lalawigan na Mountain Province, 28 tao ang nasawi sa landslide na naganap sa Sitio Bulala, Brgy Kayan East sa Tadian. Limang labi pa lang umano ang nakukuha.

Inamin ni Espineli na posibleng tumaas pa ang bilang ng mga nasawi dahil na rin sa malaking bilang ng mga nawawala pa.

Sinabi ni Benguet Gov. Nestor Fongwan na nahihirapan ang rescue operation dahil sa masamang lagay pa rin ng panahon.

"Nahirapan sila, medyo malakas ang ulan (at) very foggy pa rito. Mahirap ang retrieval operations," paliwanag niya sa panayam ng dzBB radio.

Pinsala sa Cagayan at Ilocos

Inihayag naman ni Melcito Castro ng Office of the Civil Defense sa Cagayan Valley na malaki ang pinsalang idinulot ni “Pepeng" sa agrikultura at kalsada. Tinatayang 1,135 bahay ang nawasak.

“But today, we are having a sunny weather, the first time since Pepeng visited the country," ayon sa opisyal.

Kinukumpirma naman ni Eugene Cabrera, Ilocos regional disaster coordinating council, ang ulat na pitong tao ang nasawi sa dalawang landslide sa San Fernando at Bauang sa La Union.

Sinabi ni Cabrera na mahirap pa rin umano ang linya ng komunikasyon.

Inaasahan ng Pagasa na lalabas na ng teritoryo ng Pilipinas si “Pepeng" sa Sabado ng gabi matapos manalasa sa Hilagang Luzon ng halos isang linggo. – GMANews.TV, AP

Shared via AddThis

No comments:

Post a Comment

Miss Independent